COTABATO CITY, Philippines — Agad na namatay ang isang lalaking kustomer at isang babaeng tindera nang pagbabarilin ng isang salarin habang nagkakape sa isang kabubukas lang na tindahan sa Cotabato City nitong madaling araw ng Sabado.
Sa pahayag nitong Linggo ni Major John Vincent Bravo, hepe ng Cotabato City Police Station 1, agad na pumanaw sa mga tama ng bala sina Guiamel Kahal, 55-anyos, isang obrero, at ang 48-anyos na tinderang si Bai Sla Sendad Kamid, sanhi ng naturang pamamaril.
Nabatid sa imbestigasyon na kabubukas
lang umano ni Kamid ng pinagtatrabahuang tindahan sa gilid ng kalye sa Mother Barangay Poblacion, Cotabato City at nagkakape naman sa bungad nito si Kahal na isang kargador, mensahero at tagalinis ng ilang mga tindahan sa naturang lugar, nang sila ay lapitan ng isang lalaking may bitbit na pistol at agad silang pinaulanan ng bala na nagsanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng lokal na pulisya kung sino ang pumatay sa dalawa na mabilis na nakatakas at kung ano ang motibo nito sa pagsagawa ng naturang krimen.