MANILA, Philippines — Kaugnay ng patuloy na paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy, umaapela ang mga pulis sa Davao sa mga tagasuporta nito na payagan silang makapasok sa KOJC compound kasabay ng pahayag na “hindi sila ang kalaban”.
Ayon kay Police Regional Office 11 (PRO 11) Public Information Office chief Police Major Catherine dela Rey, mas makabubuti kung hindi sila haharangin ng mga tagasuporta ni Quiboloy at maisilbi nang maayos ang warrant of arrest laban dito.
Sinabi ni Dela Rey na wala silang balak na manakit ng mga sibilyan at tanging layunin lamang nila ay maihain ang warrant of arrest na iniutos ng korte.
“Hopefully, sa susunod na mag-implement kami ng warrant of arrest, peaceful naman kaming papasukin kasi wala naman kasi kaming ibang purpose doon kundi mag-serve ng warrant of arrest. Ginagawa lang namin ang trabaho namin, ‘yung utos ng korte,” ani dela Rey sa panayam ng Super Radyo dzBB.
“Sa mga supporters and followers, wala kaming ibang pakay doon kundi to serve the warrant of arrest. Hindi rin kayo iha-harass. Sana maintindihan niyo na kung wala namang order ang court sa amin na i-implement ang warrant of arrest, hindi rin kami pupunta diyan,” dagdag ni dela Rey.
Una nang sinabi ng KOJC na hindi nila papayagang makapasok ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa compound ni Quiboloy.
Matatandaang nagkaroon ng tensiyon nang isilbi ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang arrest warrant noong Hunyo 10 nang harangan ang mga awtoridad ng mga tagasunod ni Quiboloy.
Naniniwala ang mga KOJC members na ang pag-aresto ay panggigipit sa Pastor na nahaharap sa kaso sa ilalim ng Section 5(b) of Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination Act.