MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang bilang ng mga baybaying dagat sa bansa na nagpositibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide.
Sa pinakahuling ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa 10 coastal waters na sa iba’t ibang lalawigan ang kontaminado ng red tide na lampas sa regulatory limit.
Pinakabagong nadagdag sa listahan na positibo sa red tide ay ang Irong-Irong Bay at Villareal Bay sa Samar.
Nananatili namang hindi ligtas na kainin ang mga lamang dagat sa Dumanquillas Bay sa Zamboanga Del Sur; Coastal Waters ng San Benito sa Surigao Del Norte; Coastal Waters ng Daram Island, Zumarraga Island, at Cambatutay Bay sa Samar; Matarinao Bay sa Eastern Samar; Cancabato Bay sa Leyte; at Coastal Waters ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay Province.
Dahil dito, hindi pa pinapayagan ng BFAR at LGUs ang paghango, pagbebenta at pagkain ng mga lamang dagat mula sa nabanggit na katubigan.
Magugunita nitong Hulyo 23, 2024, bukod tangi na ang mga baybayin ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanguillas Bay sa Zamboanga Del Sur at Coastal Water ng San Benito sa Surigao Del Norte, ang apektado ng red tide.