CAVITE, Philippines — Arestado ng pulisya ang isang hinihinalang karnaper na namasyal pa matapos umano nitong tangayin ang motorsiklo ng isang factory worker na nanood lang ng liga ng basketball sa Brgy. Malia, bayan ng GMA, dito sa lalawigan kamakalawa.
Sakay ng motorsiklo na tinangay umano nito nang matiyempuhan ng pulisya ang suspek na kinilala sa alyas na “Michael”, 34-anyos, residente ng Brgy. Delas Alas, GMA, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, alas-11:05 ng tanghali nang magtungo sa kanilang himpilan ang biktimang si Anthony Vasquez, 34, factory worker ng Brgy. Bancal, Carmona, Cavite at ini-report ang pagkawala ng kanyang kulay asul na Mitsukoshi Icon 110 motorcycle at may plate number D268BK.
Sa pahayag ni Vasquez sa pulisya, alas-12:30 umano ng gabi, nagtungo siya sa basketball court ng kalapit na Brgy. Malia upang manood ng Liga ng Basketball. Inihimpil umano niya ang kaniyang motorsiklo sa gilid ng bahay ng kaniyang kaibigan bago nagtungo sa Basketball Court.
Gayunman, pagbalik umano niya sa lugar kung saan iniwan ang kanyang sasakyan ay laking gulat nito nang wala na.
Agad siyang dumulog sa barangay, at hindi siya nagdalawang isip na ikutan at hanapin ang kaniyang motorsiklo hanggang sa mamataan niya ito sa may Luzon Avenue ng Brgy. Maderan kung kaya agad na siyang humingi ng tulong sa pulisya.
Sa pagresponde ng mga pulis, naabutan nila ang suspek sakay ng nasabing motorsilo na tila namamasyal lang sa lugar. Agad siyang hinuli at kasalukuyan nang nakakulong.