Ka-live in na tomboy, suspek sa krimen
CAVITE, Philippines — Kaunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang babaeng negosyante at dalagang kamag-anak nito matapos silang tadtarin ng icepick ng isang tomboy na live-in partner ng una dahil umano sa selos sa loob ng tinitirhang condominium sa Brgy. Bayan Luma 2, Imus City kamakalawa.
Kinilala ng Imus City Police ang mga biktima na sina Aldena Tano Popelo, 48-anyos, businesswoman at Jenelyn Salvador, 19-anyos; kapwa residente ng Villa Celestine Condominium, Doña Dionisia Subdivision Gate 2, Brgy. Bayan Luma 2, Imus City, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, alas-8 ng umaga ng madiskubre ang mga biktima na kapwa duguan at tadtad ng saksak na nakahandusay sa kauwarto ng nasabing unit ng condominium.
Sa salaysay ng kapatid ni Popelo, nagtaka siya kung bakit hindi pa nagbubukas ng puwesto ang kanyang kapatid sa Imus Public Market na hindi naman ito dating nangyayari.
Dahil dito, personal na niyang pinuntahan ang kapatid sa naturang condominium para i-check. Gayunman, pagpasok pa lang nito sa main door ng condo unit ay nakakita na umano siya agad ng mga patak ng dugo.
Dito na nadiskubre sa kuwarto ang mga duguan at nakahandusay na katawan ng mga biktima na kapwa tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, base sa pahayag ng mga nakatira sa katabing unit ng mga biktima, alas-10:30 ng gabi ay nakarinig umano sila ng ingay at tila nag-aaway mula sa unit ng mga biktima. Kasagutan umano ni Popelo ang live- in partner niyang tomboy na kinilala lang sa alyas na “Mona”, 60-anyos.
Narekober ng pulisya sa kuwarto ng mga biktima ang duguang icepick na posibleng ginamit ng suspek sa pagpatay.
Kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya ang kinakasama ng biktima na pangunahing suspek sa masaker.
Lumalabas na selos ang diumano’y motibo ng suspek sa brutal na pagpatay sa mga biktima.