Malaking banta sa buhay ng tao, sasakyan
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Aabot sa 75 na kalsada na tumatawid ng riles ng tren sa pagitan ng Camarines Sur at Albay na tinawag na “unauthorized railroad crossings” ng Philippine National Railways (PNR) ang nakatakdang ipasara dahil nagbibigay ito ng malaking peligro sa buhay at ari-arian.
Sa pulong balitaan inihayag nina PNR-OIC general manager Atty.Celeste Lauta; Wendell Chua, hepe ng PNR Operation Department; at Engr. Jaypee Relleve, manager ng PNR Engineering Department inihayag na simula sa section ng Sipocot, Camarines Sur hanggang Legazpi City, Albay ay may 89-bilang sila na authorized railroad level crossings. Pero maliban dito, 75 pang crossings ang tinatawag na “unauthorized” na itinayo na hindi ipinaalam sa kanilang tanggapan at hindi nagkaroon ng memorandum of agreement o MOA at lahat ito ay balak nang ipasara ng PNR.
Sa 75 hindi otorisadong PNR crossings, inisyal na 20 rito ang nakikitang kailangang agad na maipasara dahil sa malaking banta ng peligro sa pagkakaroon ng aksidente.
Simula umano nang ibalik ang biyahe ng commuter train noong Hulyo 27 ng 2023 hanggang nitong Agosto, 2024 ay umabot na sa 18 vehicular accidents ang naitala. Pinakahuli ay sa Brgy. Gapo, Daraga, Albay na 12 na kabataan ang sugatan at isa ang nasawi makaraang mabangga ng tren ang sinasakyang van na patawid sa naturang hindi otorisadong riles.
Noong nakalipas na linggo umano ay apat na ang naipasara, dalawa sa Albay at dalawa sa Camarines habang limang unauthorized railroad crossings ang nakatakda pang isara sa susunod na linggo. Patuloy ang ginagawa nilang pakikipagdayalogo sa mga lokal na pamahalaan (LGU), mga barangay officials at maging sa Department of Public Works and Highways hinggil sa programa.
Binigyang diin na karamihan sa mga kalsada na ipinagawa na tumagos sa riles ay nagiging “major route” na ng bayan at barangay. Ginastusan ito ng malaki mula sa pera ng LGU at gobyerno pero kailangang ipasara sa pamamagitan ng paglalagay ng railings at bakod para sa kaligtasan ng tren, pasahero, mga sasakyang tumatawid at mga residente.