MANILA, Philippines — Pinuri ng PASADA-CC partylist si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang desisyong ituloy ang modernisasyon sa Public Utility Vehicles (PUVs) sa bansa.
Ayon sa partylist group, na kumakatawan sa mga karaingan ng transport sector mula sa problema sa trapiko, mataas na presyo ng langis, maliit o kalimitang kawalang suporta mula sa gobyerno, bagama’t kailangan ang modernisasyon sa mga jeepneys, kailangan ding masusing pag-aralan ang mga karaingan sa sektor ng transportasyon hinggil sa mahal na modern jeepney at iba pa.
“Dapat win-win ang mangyari at walang maiiwan sa tunguhing modernisasyon ng transportasyon sa bansa,” pahayag ni Alvin Chu Teng, tagapangulo ng PASADA-CC partylist.
Iniintindi ng PASADA-CC partylist, mula sa pag-iikot nito sa lahat ng panig na bansa, ang mga napakabigat na suliranin ng transport sector, commuters at consumers lalo na ang traffic congestion, na ayon dito ay nangangailangan ng long-term planning upang ito’y mawakasan.
“Tama ang Pangulo sa pagtuloy sa modernisasyon, ngunit tama rin ang Senado na dapat pag-aralan pa ito, kasama ang iba pang mga suliranin gaya ng mga binabanggit na problema sa loob ng LTFRB at iba pang sangay ng pamahalaang nakatututok sa pampublikong transportasyon dahil magkakaugnay ang mga ito,” paliwanag ni Teng.
Tinutuligsa rin ng PASADA-CC partylist and “short-sightedness na pagpaplano ng pamahalaan, bagay na lalo pang nadaragdagan, imbes na malunasan, ang mga problema ng bansa.
“Kung maisaayos ang agrikultura at pagnenegosyo sa kanayunan hanggang sa kalunsuran, gaya ng pagtatatag ng Bulacan Special Economic Zone and Freeport na kinapapalooban na ng P130.9-B investments at magtatalaga ng 1.2M trabaho, sino pa ang nais makipag-siksikan sa mga syudad?” ani ni Teng.
Nananawagan pa si Teng sa hanay ng transportasyon na muling paigtingin ang pagkakaisa-- “dahil ito’y hindi usapin ng mayorya o minorya, kundi pangkabuhayan ng Pilipino.”