Puganteng Koreano naaresto sa Pampanga

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang suspek na si Kim Jongsik, 55, ay naaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) sa kanilang tahanan sa Brgy. Sto. Niño, Angeles City noong Agosto 6.
Bureau of Immigration

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Pampanga ang isang Korean na wanted sa Seoul dahil sa copyright violation.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang suspek na si Kim Jongsik, 55, ay naaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) sa kanilang tahanan sa Brgy. Sto. Niño, Angeles City noong Agosto 6.

Sinabi ng BI chief na ang dayuhan ay target ng isang warrant of arrest na inisyu ng Busan District Court noong Oktubre 2022 matapos siyang kasuhan dahil sa paglabag sa copyright laws, bunsod ng pagbebenta ng walang permiso ng video streaming platform sa Internet.

Sinasabing nag-o-operate si Kim ng isang Korean-language streaming service sa Pilipinas noon pang 2013 kung saan nag-aalok siya ng mga pelikula at entertainment shows na nakuha niya ng walang permiso mula sa copyright owners nito sa Korea.

Ang subscribers ng mga naturang illegal streaming platform ay sinisingil umano niya ng P4,000 kada ikatlong buwan.

Inisyuhan din umano siya ng red notice ng Interpol noong Nobyembre bilang resulta ng kanyang criminal indictment.

Una na rin umanong ipinag-utos ng BI na ipatapon palabas ng bansa ang dayuhan noong nakaraang taon matapos na isyuhan ng summary deportation order ng board of commissioners dahil sa pagiging undesirable alien.

Si Kim ay hindi na papayagan pang makapasok sa Pilipinas matapos na isama na sa immigration blacklist ng BI.

Sa kanyang travel record, nabatid na si Kim ay dumating sa bansa noong Abril 18, 2019 at hindi na umalis pa.

Kasalukuyan nang nakapiit ang dayuhan sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin pa ang deportation proceedings laban sa kanya

Show comments