Buhok gagamiting harang vs oil spill sa Bataan!
19 tserman, 300 residente nagpakalbo
MANILA, Philippines — Upang mapigilan ang oil spill sa Manila Bay, nasa 19 na barangay chairman habang mahigit sa 300 residente ang nagpakalbo nitong Linggo upang mag-donate ng buhok upang bilang tulong na mapigilan ang oil spill sa Bataan.
Ang programa ay pamumunuan ni Barangay Alion chairman Al Balan, pangulo ng Mariveles Liga ng mga Barangay, at lalahukan ng 18 pang kapitan, mga kagawad, tanod at mangingisda.
Ayon kay Balan, nagkasundo silang 19 na
kapitan na magpakalbo at i-donate ang kanilang buhok para gamitin sa paggawa ng boom na pipigil sa pagkalat ng tumagas na langis mula sa mga barkong lumubog sa kanilang baybayin.
Malaki aniya ang kanilang pasasalamat sa suporta ng mga residente sa proyekto na makatulong sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill.
Nabatid na bukod sa kanilang mga buhok, nakahanda na rin aniya ang pitong truck na puno ng coconut husk at marami pa
ang darating mula sa Mariveles local government.
Dagdag ni Balan, gigilingin ang bunot, ibabalot sa net at saka ilalatag sa dagat para dito kumapit ang langis at hindi na kumalat pa.
Samantala, pumalo na sa 21 ang bilang ng mga lugar na nagdeklara ng “state of calamity” dahil sa oil spill ng lumubog na MT Terra Nova sa Limay, Bataan
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Managament Council (NDRRMC), mula sa nasabing bilang, 12 munisipalidad at lungsod sa Bataan ang nagdeklara ng state of calamity habang pitong bayan at dalawang siyudad sa Cavite ipinasailalim din sa state of calamity na kinabibilangan ng Bacoor City, Cavite City, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon at Ternate.
Tinatayang higit 25,000 na mangingisda ang apektado ng oil spill sa Calabarzon.
Nagpapatuloy ang pamamahagi ng pamahalaan ng tulong sa mga apektadong mangingisda.
- Latest