MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang dalawang indibiduwal habang sugatan ang dalawa pang kasamahan matapos pagbabarilin ng ka-barangay habang nag-iinuman sa Purok 3, Looban, Brgy. Barihan ng lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng mga awtoridad ang dalawang napatay na sina Noel Ocfemia, 46, at Feliciano Cruz, 62, kapwa residente ng Brgy. Barihan ng nasabing lungsod.
Sugatan naman at nasa ligtas nang kalagayan ang dalawa pa nitong kasama na sina Reynaldo Reyes, nasa hustong edad, residente ng Brgy. Barihan at Diosdado Cruz, 60 ng Brgy. Sto. Niño, Plaridel, Bulacan.
Ang suspek na nakilalang si Charlie Ramos, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Barihan, Malolos City ay tumakas matapos ang pamamaril.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3:50 ng hapon habang nag-iinuman ang mga biktima nang bigla na lamang dumating ang suspek at bigla silang inisprayan ng bala gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril saka mabilis na tumakas.
Dead-on-the-spot sina Ocfemia at Cruz dahil sa mga tama ng bala sa kanilang katawan habang bagamat nasugatan ay himala namang nakaligtas ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Reyes at Cruz na nagpapagaling na ngayon sa pagamutan.
Sinasabing matinding alitan ang dahilan ng pamamaril ng suspek sa apat na magkakainuman.