LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagbabala ang DOH-Bicol Center for Health Development (CHD) sa lahat ng mamamayang Bicolano na mag-ingat sa kagat ng lamok matapos tumaas ng 40-porsyento ang kaso ng dengue at pito ang naitalang namatay simula Enero hanggang Agosto, ngayong kumpara ng nakalipas na taon sa parehong panahon.
Ayon sa ulat na inilabas ng Department of Health-Bicol CHD na pinangungunahan ni Regional Director Dr. Rodolfo Antonio Albornoz, sa loob ng unang pitong buwan ng taong ito ay nakapagtala sila ng 715 kaso ng dengue.
Pito mula sa naturang bilang na tinamaan ng sakit mula sa kagat ng lamok ay nasawi. Mas mataas umano ng 40 porsyento ang kaso ngayon ng dengue kumpara sa 512 lamang noong nakalipas na taon 2023 sa kaparehong peryodo.
Sa Camarines Sur ang may naitalang pinakamaraming tinamaan ng nasabing sakit na nasa 248; sumunod ang Camarines Norte na may 170; pangatlo ang Catanduanes, 121; Albay, 67; Sorsogon, 62; Masbate, 43; at apat na residente mula sa ibang lugar pero na-admit at nairekord sa rehiyon. May tatlo pa ang nasawi sa Sorsogon; dalawa sa Catanduanes; tig-1 sa Camarines Sur at lungsod ng Legazpi.
Pinaniniwalaan na tumaas ang dengue sa rehiyon dahil sa pagdami ng lugar na pinangingitlugan o breeding sites ng lamok na nagdadala ng sakit dahil sa pagsisimula ng tag-ulan.
Muling mahigpit na nagbabala ang kagawaran sa lahat ng mamamayan na mag-ingat sa kagat ng lamok at sumunod sa “4S strategy” o ang “Suyurin at sirain ang pinamunugaran ng lamok; Sarili ay protektahan laban sa lamok; Sumangguni agad kapag nakaramdam ng sintomas; at Sumuporta sa fogging at spraying kapag may banta ng outbreak”.