MANILA, Philippines — Niyanig ng magnitude 6.8 na lindol ang Surigao del Sur nitong Sabado ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon.
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang pagyanig dakong 6:23 ng umaga sa Lingig, Surigao del Sur at hanggang alas-10 ng umaga kahapon ay nasa 217 aftershocks na may magnitude 1.5 hanggang 5.5 ang naranasan.
Ang lindol ay may lalim na 10 kilometro kung saan naitala ang epicenter nito sa Lingig, Surigao del Sur habang naramdaman ang intensity 5 sa bayan ng Hinatuan at Bislig City sa Surigao del Sur; Maco at Monkayo sa Davao de Oro gayundin ang bayan ng Rosario sa Agusan del Sur.
Intensity IV naman ang naitala sa Davao City at Nabunturan, Davao de Oro; Intensity III sa Don Marcelino, Davao Occidental; Baybay, Leyte at Inabanga, Bohol. Nakapagtala rin ng Intensity II ang lindol sa Cebu City.
Sa unang pagtaya ng Phivolcs, ang lindol ay nasa 6.5 magnitude pero ayon sa US Geological survey ang lindol ay may magnitude 6.8.