CAVITE, Philippines — Tila walang ginagawang hakbang ang kapulisan ng Cavite matapos ang sunud-sunod na holdapan sa mga convenience store sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Sa loob lamang ng may dalawang buwan, umabot na sa 10 insidente ng panghoholdap na pawang mga convenience store ang nabiktima at karamiham dito ay ang Alfamart.
Nababahala na ang mga residente ng lalawigan hinggil sa tila walang ginagawang aksyon ang kapulisan upang masugpo ang sunod sunod na holdapan.
Nakatutok sa panghuhuli ng mga sugal at wanted persons ang Cavite Police at tila napapabayaan ang mga holdapang nagaganap.
Bukod pa paboritong mga convenience store, target din ng mga kawatan ang mga gasolinahan, vape shops, fast food chains at mga bahay sa lalawigan.
Sa tala nitong Hunyo, anim ang insidente ng holdap sa mga convenience store na Alfmart, 7-11 at Puremart sa mga bayan at lungsod ng Bacoor, Amadeo , Dasmariñas at Silang, habang sa buwan ng Hulyo, apat na magkakasunod na panghoholdap na panay Alfamart ang inatake sa bayan ng Indang, Bacoor City at Trece Martires City.
Dahil sa nakakaalarmang mga insidente, tinatawagan na ang pansin ni Cavite Provincial Police Office director, Police Col. Eleuterio Ricardo Jr. na umaksyon sa talamak na holdapan sa kanyang nasasakupan.