Misis na tserman, 2 anak sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang etnikong Taduray na bise alkalde ng South Upi, Maguindanao at bodyguard nito habang sugatan ang kanyang misis at dalawang menor-de-edad na anak matapos tambangan ng armadong grupo, kamakalawa ng hapon sa South Upi, Maguindanao Del Sur.
Idineklarang dead-on-the-spot sa ambush si South Upi Vice Mayor Roldan Benito at escort nitong si Weng Marcos habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang misis ni Benito na si Barangay Pandan Chairman Analyn Benito at mga anak nitong 11 at 13-anyos.
Batay sa report ni South Upi Police chief Captain Amer Hussien Disomangcop, nangyari ang ambush dakong alas-5:10 ng hapon sa Sitio Linao, Brgy. Pandan, South Upi.
Iniulat din ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office kay Brig. Gen. Prexy Tanggawhon, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sakay ng isang pick-up truck sina Vice Mayor Benito kasama ang kanyang mag-iina at escort nang sila ay paputukan at paulanan ng bala ng assault rifles ng mga lalaking nakapuwesto sa gilid ng kalye sa Barangay Pandan sa South Upi.
Nagsasagawa na ng pursuit operation ang pulisya katuwang ang Philippine Army para habulin ang mga may gawa sa krimen.
Samantala, agad na kinondena ni South Upi Mayor Reynalbert Insular ang pananambang sa kanyang bise alkalde at nanawagan sa pulisya at militar na tugisin ang mga salarin.