CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinuri kahapon ni National Police Commission(Napolcom)-Calabarzon regional director, Atty. Owen De Luna ang lakas ng loob at katapangan ng dalawang sugatang pulis sa pagpatupad ng warrant of arrest laban sa napatay na notorious gun-for-hire suspect na nauwi sa shootout sa San Juan, Batangas, noong Linggo ng umaga.
Ayon kay De Luna na ipinaabot ng PNP at Napolcom ang lahat ng kinakailangang suporta sa mga sugatang pulis na sina Executive Master Sergeant Reynaldo Red, 47, at Staff Sergeant Francis Olave, 40, kapwa miyembro ng Regional Intelligence Division at gayundin sa kanilang mga pamilya.
“Ang ating mga Law enforcer ay pinahintulutan din na gumamit ng makatwirang puwersa upang ipagtanggol ang kanilang buhay o kalayaan upang protektahan ang ating komunidad laban sa mga kriminal na elementong organisado o hindi organisado. Saludo kami sa pamumuno ng Calabarzon police director, Brig. Heneral Paul Kenneth Lucas sa tamang pagpapatupad ng batas,” ani De Luna.
Aniya, ang accomplishment ng joint elements ng Regional Special Operation Unit4a at ng Regional Intelligence Unit4a ay may malaking kontribusyon sa pagsugpo sa krimen gayundin sa mga solusyon sa krimen.
Noong Hulyo 28, nauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrants of arrest laban sa wanted criminal si Alberto Pineda Malapitan alyas “Ambet”, sanhi upang siya ay mapatay habang dalawa sa police arresting team ang nasugatan sa Brgy. Bulsa, San Juan, Batangas.