MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit P100,000 halaga ng pera at cellphone ang natangay ng mga holdaper sa isang Remittance Foundation office na hinoldap ng mga ito kamakalawa sa Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang tatlong suspek, alas-12:30 ng tanghali sa opisina ng ASA Philippines Foundation at nagpanggap na mga customer.
Ayon sa salaysay ng biktimang si Myrell Teleño Belencio, staff ng nasabing foundation magkasunod na pumasok ang dalawang suspek at nagpanggap na mga kliyente. Habang isa sa mga suspek ay naiwan sa labas at nagsilbing look out.
Agad na nagdeklara ng holdup ang dalawang suspek at tinutukan ang biktima ng maiksing baril at nilimas nito ang pera ng remittance na may halagang P111,000.00 at tinangay din ang 3 units ng cellphone ng opisina at biktima bago mabilis na tumakas.Kasalukuyan ng nagsasagawa ng follow up ang pulisya.