MANILA, Philippines — Arangkada na muli ngayong Miyerkules, Hulyo 31, ang paniningil ng toll fee ng Manila-Cavite Toll Expressway (Cavitex).
Ito’y kasunod nang pagtatapos na kahapon ng 30-araw na toll holiday na ipinairal ng Cavitex.
Nauna rito, nagpatupad ng toll holiday ang Cavitex mula Hulyo 1 hanggang 30.
Alinsunod ito sa isang board resolution na inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) at nagsususpinde sa toll fees sa expressway.
Nakasaad sa board resolution ang ‘temporary cessation’ o pansamantalang pagtigil ng toll collection activities, sa RFID man o cash, sa lahat ng segments ng Manila-Cavite Toll Expressway Project, sa loob ng 30 calendar days, epektibo sa 12:01AM ng Hulyo 1, 2024.