Truck hulog sa bangin: 4 patay, 3 sugatan
CABAROGUIS, Quirino, Philippines — Apat katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan matapos mahulog ang kanilang sinasakyang boom truck sa bahagi ng Barangay Sangbay sa Nagtipunan, Quirino, ayon sa ulat kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Florante Barayuga, 42; residente ng Barangay San Andres, Santiago City, Isabela; Daisy Regatan, 48, residente ng Dinapigue, Isabela; Rogelio Neverio, 69; at Henry Baldoza, 25, kapwa residente naman ng Bulan, Camarines Sur.
Kinilala naman ang mga sugatan na sina Marco Valdez, 29, isang inhinyero; Marbil Medes, 34; kapwa residente ng Santiago City, at Sonny Regatan, 58, na residente naman ng Dinapigue ng nasabing lalawigan.
Ayon sa report, galing umano ang boom trak (NDI 7160) na naglalaman ng mga construction materials sa coastal town ng Dinapigue at patungo sana sila sa Santiago City nang pumalya ang preno ng sasakyan sa pababa at palikong bahagi ng kalsada na naging dahilan para ito ay bumulusok sa 10-metrong lalim na bangin.
Agad na binawian ng buhay ang driver na si Barayuga at isa sa pasahero na si Daisy matapos silang isugod sa ospital ng mga sumaklolong miyembro ng Nagtipunan Rescue 105 at Maddela Rescue 104 habang sina Baldoza at Niverio ay binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan dahil sa matitinding sugat na inabot sa katawan.
Sa kasalukuyan ay masusing inoobserbahan ang iba pang mga sugatan sa nasabing aksidente.
- Latest