DARAGA, Albay, Philippines — Sugatan ang 12-pasahero ng isang commuter van matapos tinangkang tumawid ng railroad crossing at mabangga ng paparating na tren sa Brgy.Gapo ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang sugatang 12-mga pasahero na hindi na lahat pinangalanan.
Masuwerte namang nakaligtas at walang tinamong sugat ang driver ng van na kinilalang si Larry Ombao Marilla, 35-anyos, residente ng Brgy.White Deer-Poblacion, Pio Duran, Albay.
Sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon galing ng Brgy. Pandan patungong Brgy. Dinoronan ng naturang bayan ang Toyota Hi-Ace commuter van na may plate number NHR-8115 na minamaneho ni Marilla.
Gayunman, marahil hindi nito napansin ang paparating na commuter train na may body number 9003 na pinatatakbo ng makinistang si Jade De Jesus dahilan para mabangga ang sasakyan.
Naitulak pa ng tren ang van sa layong 78-talampakan mula sa railroad crossing bago ito humimpil kung saan nawasak ang kanang bahagi ng sasakyan dahilan para masugatan lahat ang mga sakay nito.
Mabilis na sinaklolohan ang mga sugatang pasahero at isinugod sa pinakamalapit na hospital.
Dahil sa magkakasunod na aksidente ay patuloy sa panawagan ang PNR management sa lahat ng residente at motorista na mag-ingat lagi at mag-obserba kung may paparating na tren bago tumawid.