2 sa 6 suspek timbog sa hot pursuit ops
CAVITE, Philippines — Pinasok ng anim na kalalakihan na nagpakilalang NBI agents ang bahay ng isang negosyanteng Chinese saka siya dinukot at pinagnakawan pa kamakalawa sa Meadowood Subdivision, Brgy. Panapaan 8, Bacoor City.
Sa ulat ng pulisya, alas-12:30 ng hapon nang biglang dumating ang mga suspek sakay ng puting Toyota Hi-ace na may plate no. DAC 9322 at isang SUV na kulay silver metallic.
Tuloy-tuloy na pumasok ang anim na suspek sa bahay ng bitkima na si alyas “Ye Su”, at apat sa kanila ang nagpakilala pang taga-NBI
Ikinulong umano ng mga suspek sa isang kuwarto ng bahay ang tatlong kasamahan ni Ye Su at agad na kinaladkad ang huli palabas ng bahay.
Bago mabilis na nagsitakas tumakas, kinulimbat pa umano ng mga suspek ang pera ng mga biktima at ibang mahahalagang kagamitan sa loob ng bahay nito
Sa isinagawang backtracking ng pulisya, agad namang natukoy at naaresto ng binuong tracker team ang dalawa sa anim na sinasabing kidnaper sa hot pursuit operation sa Gen. Trias City Cavite kahapon.
Kinilala ng pulisya ang dalawang naaresto sina alyas “Ledon”, 37, isang negosyante na may rent-a-car business at ang kanyang parter na si alyas Angel, 28, kapwa residente ng Barangay San Antonio 2, Noveleta, Cavite,
Isa sa dalawang get-away vehicles, ang Nissan Terra, na ginamit ng mga kdinappers ay narekober mula sa posesyon ng dalawang naaarestong suspek at isang Glock cal. 45 gun at dalawang magazines.
Nabatid na nakunan ng CCTV camera ang conduction sticker ng isa sa mga get-away vehicles ng mga suspek na naging daan upang matunton ng mga pulis ang sasakyan at makilala ang registered owner nito.
Tumanggi naman si Lt. Col. Paolo Carracedo, Bacoor police chief, na magbigay pa ng karagdagang detalye sa kaso habang patuloy aniya ang imbestigasyon at operasyon sa umano’y kidnapping at robbery kay Ye Su laban sa dalawa pang Pinoy na kasabwat at dalawang Chinese nationals.