RODRIGUEZ, Rizal, Philippines — Buhay ang naging kapalit sa pagsasalba ng isang estudyanteng evacuee sa kaniyang school douments mula sa bahay na nalubog sa baha, sa Rodriguez, Rizal, sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat at bagyong Carina, noong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Timothy John Dawisan, na residente ng Adia Ibayo, Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal.
Dakong alas-11:00 ng umaga nang malunod ang biktima sa baha at idineklarang dead on arrival sa Casimiro Ynares Memorial Hospital ni Dr. Aubrey Louise Lapuz.
Sa imbestigasyon, kabilang ang pamilya ng biktima sa inilikas upang hindi abutin ng mas matinding pagbaha sa kanilang mga bahay.
Habang nasa safe area na ang pamilya ng biktima, nagpaalam umano siya sa ama na si Timoteo Dawisan, na kailangan niyang makuha ang school documents na kakailanganin sa pagbubukas ng klase.
Pinagsabihan pa siya ng ama na hintayin ang kanyang pinsan dahil biglaang tumaas ang baha at mas lumalakas ang current ng tubig.
Makalipas ang isang oras, isang kapitbahay ang nag-share sa Facebook hinggil sa may nalunod umano sa nasabing lugar.
Agad nagtungo ang pamangkin ni Timoteo na isang professional lifeguard sa lugar na nakatagpo sa biktima na walang malay sa ilalim ng baha. Iniahon at isinugod pa sa ospital subalit bigo na silang maisalba ang estudyante.