PAMPLONA, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang finance officer ng New People’s Army (NPA) sa Camarines Sur habang isa ang arestado matapos magka-engkuwentro ang mga komunista at tropa ng gobyerno sa kahabaan ng provincial road ng Brgy. Batang, sa bayang ito, kamakalawa ng tanghali.
Napuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad nasawi ang komunista na kinilala sa alyas na “Ka Syrin”, finance officer ng Kilusang Larangan Guerilla 2, Sub-Regional Committe 5 ng NPA Bicol Regional Party Committee, residente ng Brgy.Tampadong ng naturang bayan.
Hawak naman ng mga pulis ang isang nahuling kadre na si alyas “Ka Leo”, 23-anyos ng Zone-2, Brgy.Marangi, San Fernando.
Pinuri ni Police Regional Office (PRO) 5 regional director Brig. Gen.Andre Perez Dizon ang mga tauhan at mga sundalo ng Philippine Army dahil sa matagumpay na operasyon laban sa mga komunista na nagsasagawa ng “extortion activity” sa lugar.
Ayon kay Dizon, pasado alas-12 ng tanghali, nakakuha ng intelligence report ang mga pulis hinggil sa ginagawa umanong extortion activity ng mga NPA sa pamumuno umano ng isang “Ka Gabriel”.
Agad bumuo ng team mula sa Provincial Intelligence Unit ng Camarines Sur Provincial Police Office, 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company, 501st Regional Mobile Force Battalion 5, 95th Military Intelligence Company ng 9th Infantry Battalion ng Philippine Army, at 9th Special Action Battalion.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang tropa ng gobyerno laban sa mga komunista dahilan para magkapalitan ng putok na umabot ng ilang minuto hanggang sa tumimbuwang si Ka Syrin sanhi para magsitakas ang mga kasamang rebelde.
Nahuli naman sa pursuit operation ng tropa ng pamahalaan si Ka Leo.
Nabawi sa lugar ng engkuwentro ang isang kalibre 45 at kalibre 38 baril, isang granada, mga magazines at mga bala.