BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Tumanggap ang mga mag-aaral ng Ipil Cuneg Elementary School sa bayang ito ng mga school supplies mula sa mga opisyal at miyembro ng Bongolan Masonic Lodge at Rotary Club of Bayombong Capital kahapon ng umaga.
Ang mahigit sa 70 na mag-aaral sa elementarya na nasa liblib na lugar ay nakatanggap ng tig-dadalawang bags na naglalaman ng mga school supplies at mga hygiene kits.
Ayon kay Marvin Barut, Worshipful Master ng Guillermo Bongolan Masonic Lodge, ang isa sa mga bag ay naglalaman ng mga notebooks, writing notebooks, lapis, ballpens, ruler, erasers, sharpeners, writing pads at iba pang mga kagamaitan ng mga bata habang ang isang bag ay naglalaman ng mga hygiene kits tulad ng mga sabon, toothbrush, toothpaste, alcohol at vitamins.
Bukod sa mga bags ay tumanggap din ang mga bata ng mga bagong tsinelas, libreng gupit para sa mga kalalakihan, pagkain at mga bond paper para naman sa paaralan.
Ayon kay Ginang Virginia Abayao, isa sa mga magulang, malaking tulong ang ibinigay sa kanilang mga anak dahil bukod sa hindi na sila bumaba sa bayan para mamili ng mga kagamitan ay malaki rin ang kanilang natipid kasabay ng pagbubukas ng klase sa Lunes.
Pinasalamatan ni Hazan Daniel, Teacher-in-Charge ng Ipil Elementary School ang mga nabanggit na organisasyon dahil sa muling napili ang kanilang paaralan na handugan ng tulong.