MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Batangas sanhi ng matinding epekto ng malawakang pagbaha dulot ng southwest monsoon o habagat at ng bagyong Carina.
Base sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), maraming munisipalidad sa lalawigan ang lumubog sa tubig baha dulot ng halos walang humpay na mga pag-ulan.
Kabilang sa matinding naapektuhan ng mga pagbaha ay ang mga bayan ng Agoncillo, Balayan at Lemery.
Sa bayan ng Lemery maraming mga sasakyan ang na-istranded dahilan mga truck at bus lamang ang maaring makadaan sanhi ng mataas na tubig baha sa diversion road.
Nasa hanggang tuhod naman ang pagbaha na nakaapekto sa Brgy. Caloocan, Lanatan at 11 Brgy. sa bayan ng Balayan.
Samantalang bagaman nagsimula ng bumaba ang level ng tubig sa ilang lugar ay nag-iwan naman ito ng sandamakmak na mga basura.
Iniulat rin ang landslide sa bayan ng Agoncillo, Batangas na kumitil ng buhay ng apat na miyembro ng isang pamilya doon.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng lokal na pamahalaan sa mga residente na naapektuhan ng kalamidad.