2 pulis sugatan sa barilan sa presinto
MANILA, Philippines — Nasugatan ang dalawang pulis nang sila ay pagbabarilin ng suspek na nang-agaw ng baril sa loob ng kanilang himpilan nitong Lunes sa Javier,Leyte noong Lunes, Hulyo 22.
Sinabi ni Major Ronald Puso, hepe ng Javier police, nagtungo umano ang suspek na may kasong frustrated murder sa himpilan para sumuko dahil nakatanggap ito ng impormasyon na mayroon na itong warrant of arrest.
Sinabi ni Puso na hindi pa nila natatanggap ang warrant kaya pinakiusapan nila ang suspek na manatili sa kanilang holding area habang nanananghalian ang mga biktima.
“Nagdala na siya ng food and stuff kasi gusto na raw niyang sumuko.Habang kumakain ng tanghalian ang limang tauhan, nang-agaw siya ng baril at pinaputukan,” sabi ni Puso.
Ang isa sa mga pulis ay binaril sa kanyang dibdib habang ang isa naman ay nagtamo ng tama ng bala sa kanyang binti. Nakaganti ng putok ang isang pulis at natamaan ang suspek.
Dinala ang suspek sa Rural Health Unit sa harap ng himpilan ng pulisya kung saan idineklara itong patay.
Sinabi ni Puso na nasa stable na kondisyon ang mga biktima ngunit kailangang sumailalim sa operasyon.
- Latest