BAGUIO CITY, Philippines — Isang fragmentation grenade ang natagpuan ng awtoridad sa tapat ng opisina ni Abra lawmaker Menchie Bernos sa Bangued, nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa Bangued Police, dalawang utility workers na tagalinis sa lugar ang nakadiskubre ng granadang hindi pa pumuputok dakong alas-8:00 ng umaga.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kung sino ang nag-iwan ng nasabing bomba sa harap ng BBM building sa Zone 5, Bangued, Abra.
Ang bomba na nasa tabi ng plant box ay nadatnan ng mga rumespondeng personnel ng Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) na nagsasagawa ngayon ng assessment.
Nabatid na ang nasabing gusali ay ginamit noon bilang campaign headquarters ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ngayo’y ginawang Congressional District Office ni Rep. Bernos.
Magugunita na nitong Huwebes, hinagisan ng garanada ang bahay ni La Paz town municipal administrator Perfecto “Pope” Bolos Cardenas sa Rizal Street, Zone 6, sa Bangued.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente, bagama’t ipinalalagay na dahil ito sa pulitika dahil si Bolos ay sinasabing pinupuntirya ang mayoral post sa Bangued laban sa apat na posibleng contenders.