Apektado sa flashfloods sa BARMM, pumalo na sa 600,000 katao
MANILA, Philippines — Patuloy na tumataas ang bilang ng mga apektado ng malawakang flashflood matapos na lumobo na ito sa 600,000 katao sa malaking bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dulot ng southwest monsoon rain o habagat, ayon sa ulat nitong Sabado.
Base sa report ng BARMM Rapid Emergency Action on Disaster Incidence ( Bangsamoro READi), ang malawakang flashflood dulot ng malalakas na pag-ulan ay nakaapekto sa kabuang 135,000 pamilya o katumbas na 600,000 katao mula sa mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Ang malalakas na pag-ulan ay nagsimulang maranasan sa BARMM nitong nakalipas na linggo dulot ng masamang lagay ng panahon.
Isa naman sa pinakagrabeng tinamaan ng mga pagbaha ay ang Maguindanao del sur na noong panahon ng El Niño phenomenom ay isinailalim sa state of calamity.
Tinukoy sa ulat na nasa 8,000 hektarya ng lupaing taniman sa BARMM ay naapektuhan ng mga pagbaha na ikinapinsala ng mga pananim ng mga magsasaka.
Nasa 76,000 namang pamilya ng mga naapektuhan ay mula sa Maguindanao del Sur na isinailalim sa state of calamity noong Hulyo 16 dulot ng matinding flashflood. Nasa 17 mula sa kabuuang 24 na bayan sa lalawigan ay lumubog sa baha.
Ang mga pagbaha sa Central Mindanao, ayon pa sa ulat ay hindi lamang sanhi ng mga pag-ulan sa rehiyon kundi nakadagdag pa dito ang pagbagsak ng tubig mula sa bulubunduking bahagi ng Bukidnon na bumagsak at dumaloy rin mula sa Pulangi River.
Patuloy ang pamamahagi ng relief goods ng lokal na pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng mga pagbaha partikular na sa mga bakwit na nasa mga evacuation center.
- Latest