Shabu sa bagahe, naamoy ng K9 dog ng PCG, pasahero ng barko huli
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Arestado ang isang hinihinalang drug courier matapos na maamoy ng Philippine Coast Guard (PCG)K9 dog ang dala nitong shabu sa kanyang bagahe habang lulan ng barko sa isang pantalan sa Nasugbu, Batangas nitong Huwebes.
Ayon kay Captain Jerome Jeciel, commander ng PCG-Batangas, naamoy ng kanilang alertong K9 dog ang bagahe na naglalaman ng 9 na pirasong plastic ng shabu kaya agad inaresto ang pasaherong may dala nito sa Wawa Port sa Nasugbu.
Sinabi ni Jeciel na ang suspek, 28-anyos, na hindi pa pinangalanan ay lulan ng MV Lubang Express na papuntang Tilik Port, Lubang, Occidental Mindoro nang magsagawa ng routine inspection sa pantalan ang mga Coast Guard personnel na may kasamang K-9 sniffing dog.
Habang masusing nag-iinspeksyon sa mga bahage, naamoy ng K9 dog ang illegal substance at nang suriin ay nakita ang 9 na plastic sachets ng hinihinalang shabu sa loob ng asul na backpack ng suspek.
Ang nasabing pasahero ay hinihinalang drug courier na umano’y transporter ng shabu sa Lubang, Occidental Mindoro.
Agad na itinurnover ng PCG ang suspek sa Nasugbu Police Station at kakasuhan dahil sa pagdadala ng illegal drugs.
- Latest