MANILA, Philippines — Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa pito ang nasawi sa matinding epekto ng malakas na monsoon rains sa malaking bahagi ng Mindanao.
Sa pinakabagong situation update nitong Miyerkules ng hapon, inihayag ng disaster response body na lima ang kumpirmado, apat sa Zamboanga Peninsula at isa mula sa Northern Mindanao.
Samantala, bineberipika pa ang dalawa tig-isa mula sa Davao Region at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ulat na dalawang sugatan at isang nawawala sa Northern Mindanao.
Halos 99,186 pamilya naman o 482,464 indibidwal sa 378 barangay sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at sa BARMM ang apektado ng masamang panahon.
Sa bilang na 5,611 pamilya, binubuo ng 21,015 indibidwal, ang nasa 46 evacuation centers habang 49,570 pamilya, binubuo ng 247,808 katao, ang nakatatanggap ng tulong sa labas ng evacuation centers.
May kabuuang 111 tahanan ang naiulat na napinsala sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen.