Maguindanao del Sur isinailalim sa state of calamity’
Sa pagtama ng baha sa 17 bayan
COTABATO CITY, Philippines — Ipinasailalim sa “state of calamity” ng Sangguniang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang naturang probinsya nitong Martes kasunod ng matinding pagbaha sa 17 na bayan nito dulot ng paulit-ulit na ulan nitong nakalipas na mga araw.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ng 6th Infantry Division at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management office, nasa 72,309 na residente ang apektado ng pagbaha sa 17 bayan na sakop ng probinsya.
Ayon ka Amer Jehad Ambolodto, tagapamahala ng Maguindanao del Sur PDRRMO, ang resolusyon ng provincial board na nagdeklara ng state of calamity sa kanilang probinsya ay siyang batayan ng pagpapalabas ng emergency funds ng provincial government para sa relief operations sa mga lugar na binaha.
Mismong si Maguindanao del Sur Gov. Mariam Mangudadatu ang nagmo-monitor ng relief operations ng PDRRMO sa mga binahang bayan sa probinsya, ayon kay Ambolodto.
Ang 17 na bayan sa Maguindanao del Sur na binaha ay hindi kalayuan sa 220,000-ektaryang Ligawasan Delta na bagsakan ng mga tubig-baha na dumadaloy sa malalaking mga ilog mula sa mga kabundukan sa mga probinsya ng Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat at Bukidnon.
- Latest