MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nabubulok na halos ang kamatis sa ilang pamilihang bayan sa lalawigang ito matapos na hindi na nabibili dahil sa sobrang taas ng presyo nito na umabot na sa 200 piso kada kilo.
Maging ang presyo ng kinchay ay umabot na sa 150 pesos kada kilo kaya bihira nang makakita nito sa palengke.
Sa panayam kay Aling Gloria, maggugulay sa Brgy. Matungao, Bulakan na umaangkat sa Balagtas public market, nasa P14 ang benta niya sa isang pirasong katamtamang laki ng kamatis dahil pumalo na ito sa P200 kada kilo.
Aniya, dati lamang P6 ang presyo ng isang kamatis nitong mga nakaraang dalawang linggo hanggang umabot ng P14 ngayon kaya tumamlay ang bentahan per piraso nito sa mga talipapa, bangketa at sari-sari store.
Tumaas na rin ang presyo ng talong na dating P80 per kilo nitong nakaraang linggo ay pumalo ngayon sa P120 habang ang calamansi na dating P70 per kilo ay umakyat sa P130. Sumabay din ang pagtaas ng presyo ng ampalaya na mula sa dating P80 per kilo ay pumalo sa P110 na ito.
Samantala, ilang umaangkat at tindera ang napag-alamang nagboykot o hindi na nagtinda ng kinchay sa ilang palengke dahil sa sinasabing nasa P1,500 per kilo ang puhunan nito.
Ayon sa ilang retailer at maggugulay na bumibili sa palengke, ang dating P50 na kinchay ay sadyang napakarami na para sa kanilang paninda.