300 taga-Cotabato City nabiyayaan sa ‘cash-for-work’
COTABATO CITY, Philippines — Abot sa 300 na residente ng tatlong barangay sa lungsod na ito ang tumanggap kamakalawa ng tig-P3,610 sa “cash-for-work” program mula sa dalawang ahensiya ng gobyerno na nagtutulungan laban sa kahirapan na sanhi ng mga kalamidad at kaguluhan.
Sa mga hiwalay na pahayag ng mga lokal na kinauukulan at ng mga opisyal ng Bangsamoro government nitong Martes, ang 300 na mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged, Displaced Workers (TUPAD) Program ay mga residente ng Barangay Tamontaka Mother, Rosary Heights 7 at Kalanganan 2.
Ang naturang ayuda ay kaugnay ng kanilang pagtulong sa pagsasagawa ng ilang mga proyekto ng pamahalaan at iba pang mga community development activities sa kanilang mga barangay.
Sa ulat ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao nitong umaga ng Martes, magkatuwang na pinangunahan ni MoLE-BARMM Senior Programs Consultant Lito Coloso at ng mga kinatawan ng Department of Labor of Employment-12 ang pamamahagi ng cash-for-work payouts sa 300 na mga residente ng Cotabato City.
Ang TUPAD Program ng pamahalaan ay magkatuwang na pinapatupad ng MoLE-BARMM at DoLE-12 sa mga Bangsamoro barangays sa Central Mindanao upang makatulong sa mga pamilyang naghihirap sanhi ng mga kaguluhan, mga kalamidad at kawalan ng mga trabaho na maaring pagkakitaan sana para sa araw-araw na pangangailangan.
- Latest