Cessna plane nag-overshoot sa runway, sumalpok sa bahay: Piloto sugatan
PLARIDEL, Bulacan, Philippines — Isang piloto ang bahagyang nasugatan at masuwerteng hindi nasaktan ang kasamang student pilot matapos na aksidenteng nag-overshoot ang minamanehong Cessna 152 plane sa runway ng Plaridel Airport at sumalpok sa isang bahay sa nasabing bayan, kamakalawa ng hapon.
Base sa paunang ulat ng pulisya, ang eroplano ay minamaneho ng pilotong si Dennis Ordinaryo, 26, kasama ang student pilot na si Hazel Mae Labador, 19.
Base rin sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines, nangyari ang insidente bandang ala-1:50 ng tanghali nitong Sabado, sa mismong paliparan sakop ng Brgy. Lumang Bayan, Plaridel.
Nabatid na lumapag nang matagtag ang trainer Cessna plane na may registration RP-C5656 hanggang sa aksidenteng lumagpas ito sa dulo ng Runway 35 saka sumadsad at umabot sa kabilang bakuran ng residential area at bumangga sa isang bahay.
Wala namang tao sa nasabing bahay nang maganap ang insidente.
Dahil dito, agad namang rumesponde ang Aircraft Rescue and Fire Fighting vehicle ng paliparan na nagdala sa pilot na bahagyang nasugatan sa ospital para sa paunang lunas.
Sinasabing “insufficient airspeed” ang sinisilip ng mga awtoridad na dahilan ng naturang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulan sa naturang insidente.
- Latest