COTABATO CITY, Philippines — Hindi bababa sa 40,000 na mga residente sa 18 na bayan sa Central Mindanao ang apektado ng flashfloods nitong Sabado na sumira pa ng dalawang tulay at 23 na mga bahay, ayon sa mga lokal na kinauukulan.
Kabilang sa mga lugar na binaha ang Pagalungan at Montawal sa Maguindanao del Sur at ang hindi kalayuang mga bayan ng Kabacan at Pikit sa probinsya ng Cotabato.
Sa pahayag ng Cotabato provincial government nitong Linggo, nagpadala na si Gov. Emmylou Taliño Mendoza ng emergency responders sa Kabacan at Pikit upang tumulong sa mga rescue and relief operations ng mga local government units sa naturang mga bayan.
Sapol din ng rumaragasang baha kasunod ng malakas na ulan sa kapaligiran ang mga bayan ng Lebak, Kalamansig at Palimbang sa Sultan Kudarat kung saan may dalawang tulay na nasira sanhi ng malakas na daloy ng tubig baha mula sa mga karatig na mga kabundukan.
Ang nasirang mga tulay sa mga bahagi ng national highway Tambis sa Kalamansig at sa Kidayan sa Palimbang ay siyang nag-uugnay sa dalawang bayan patungong Maitum sa South Cotabato at dito sa Cotabato City.
Nagtutulungan na ang Office of Civil Defense-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang tanggapan ni BARMM Social Services Minister Raissa Jadjurie sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad sa Maguindanao del Sur at ilan sa mga 63 Bangsamoro barangay sa probinsya ng Cotabato.