Mga tauhan sangkot sa nakawan
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinagpapaliwanag ng National Police Commission (Napolcom) ang dalawang chief of police sa Laguna at isang commander ng Rizal Provincial Mobile Force Battalion kaugnay sa pagkakasangkot ng kanilang mga tauhan sa insidente ng “robbery” sa lalawigang ito.
Ayon kay Atty. Owen De Luna, Napolcom regional director, sinulatan niya sina Lt. Cols. Jonathan Rongvilla, hepe ng pulisya ng Biñan City at Vincent Gil Palma, commander ng Police Mobile Force Battalion-Rizal, na sumagot, magpaliwanag at magsumite ng kopya ng mga ulat hinggil sa umano’y serye ng mga insidente ng nakawan na naganap noong Mayo 27, 2024 sa Biñan City at noong Hunyo 29, 2024 sa Lungsod ng Sta. Rosa, Laguna. Aniya, dalawang pulis ang kinilala bilang mga sangkot na sina alyas Lavina at Ricaros, kapwa miyembro ng Binan City police station at isang pulis na nakatalaga sa Provincial Mobile Force Unit-Rizal.
“Ang direktiba ng liham na ito ay naglalayong matukoy ang pananagutan ng isang Hepe ng Pulisya sa kanyang mga nasasakupan lalo na sa mga miyembro ng kanilang mga police operatives,” sabi ni De Luna sa kanyang text message.
Idinagdag ni De Luna na dalawang pulis ang kabilang sa apat na lalaki na nagpanggap na PDEA agents na nanlooob sa bahay ng isang negosyante at tinangay ang hindi bababa sa P.6 milyong halaga ng cash at alahas sa Sta. Rosa City noong Hunyo 29, 2024.
Ayon kay De Luna, ang isa pang hepe ng pulisya sa Laguna na hindi na pinangalanan ay nakapag-comply na at nagsumite ng kopya ng ulat na may kinalaman sa insidente ng pagnanakaw habang ang dalawang unang nabanggit na opisyal ay hindi pa nakapagsusumite ng kanilang mga ulat at paliwanag.