ECHAGUE, Isabela, Philippines — Nasa 345 na mag-aaral na nangangarap na maging pulis at sundalo mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Cagayan Valley o Region 2 ang matagumpay na nagtapos sa advance ROTC training na isinagawa sa Camp Melchor F. Dela Cruz (Annex) Grandstand, Soyung, Echague sa lalawigang ito nitong Hulyo 11.
Ang mga kadeteng opisyal na kumuha ng Advance Academic Phase Training para sa MS 31/32 at MS 41/42 CL 01-24 ay kinabibilangan ng 55 na mga kababaihan at 290 na mga kalalakihan.
Iginawad naman kay Cadet Maj. Gemma Pontino 2CL, ang Gabriela Silang Award matapos makuha ang 96% general average na rating sa kanilang pagtatapos.
Sa kanyang mensahe ay hinamon ni Quirino Vice Governor Julius Caesar Vaquilar, nagsilbi bilang panauhing pandangal, ang mga kadete na ipakita at isagawa ang mga kaalaman at talino na kanilang natutunan pagbalik sa kanilang mga komunidad.
“Always remember that leadership is not about rank, title or position, it’s about character, integrity and the ability to inspire those around you. May this ceremony mark a new chapter in your journey of becoming exceptional future officers,” pahayag ni Vaquilar.
Kasabay ng pagtatapos ng 345 na mga bagong opisyal ng ROTC ay iprinisinta ang nasa 262 na bagong ROTC cadets na magsasanay naman para sa Summer Camp Training ng ROTC.
Ayon kay Cadet 1LT Vinz Baliton 2CL, pangarap niyang maging sundalo at pagsilbihan ang bansa kung kaya’t tiniis niya ang hamon ng pagsasanay kahit katumbas nito ang hindi niya pagsilay sa lamay ng yumao niyang lolo habang siya ay nasa training.