Civilian police informer, todas sa gunrunner
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang civilian police informer matapos na manlaban ang isang illegal gun dealer sa kasagsagan ng entrapment operation nang makatunog na mga pulis ang kanyang nabentahan ng mahahabang armas sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Biyernes.
Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang suspek na kinilala lang sa mga alyas na “Kits” at “Kuramber”, ay tinutugis na ng mga intelligence operatives ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at Sultan Kudarat Municipal Police Station.
Sa ulat, agad na bumunot ang nasabing gunrunner ng pistol at pinaputukan ang mga operatiba ng Sultan Kudarat MPS, na pinamumunan ni Police Lt. Col. Esmael Madin, at kanilang mga civilian informers, nang matunugan nito na mga pulis ang kanyang nabentahan ng dalawang M14 assault rifles at isang bolt-action .22 caliber rifle sa naganap na “gun trade” operation sa Barangay Ungap sa Sultan Kudarat.
Napuruhan ng bala at nasawi ang police asset na si Datudido Kamad Mamaluba, na siyang tumulong sa Sultan Kudarat municipal police force sa isinagawang entrapment operation laban sa suspek na kamalasan ay nauwi sa shootout.
Matapos na mabaril ang biktima, mabilis na nakatakbo ang suspek na sinamantala ang pagkakagulo ng mga residente dulot ng sunud-sunod na putok ng baril sa shootout.
- Latest