BAGUIO CITY , Philippines —- Patay ang isang driver habang dalawa pa ang nasugatan matapos na salpukin ng isang wing van truck ang isang SUV na bumangga naman sa jitney nitong Biyernes ng gabi sa kahabaan ng Marcos Highway, Sitio Bontiway, Brgy Poblacion, Tub, Benguet.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Ruel Padilla Ocañada, 44, ng Purok 14, Lower Cypress, Irisan, Baguio City habang ginagamot sa ospital dahil sa mga tinamong mga sugat ang mga biktimang sina Eulinemar Raguindin Talabis, 29, ng Wangal, La Trinidad, Benguet; at 15-anyos na estudyanteng si Joey Lictawa Luzano, tubong Aringay, La Union, at naninirahan sa Puguis, La Trinidad, Benguet.
Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nitong Biyernes nang maganap ang aksidente.
Sa imbestigasyon ng Tuba Police, pansamantalang nakahimpil ang wing-van truck sa kanang bahagi ng kalsada at naglilipat ng mga gulay sa isa pang truck, nang biglang gumulong ito pababa ng may 20 metro makaraang bumigay ang nakaharang na wood wedges sa gulong nito bilang manual brakes.
Bunsod nito, tuluy-tuloy na bumangga ang truck sa naka-park na SUV saka naman bumangga pa sa jitney sa daan.
Nagtuluy-tuloy pa ang truck sa pagbulusok pababa hanggang sa sumalpok ito sa isang gusali.
Sina Ocañada, Talabis at Luzano na nagdidiskarga ng mga gulay ay isinugod sa Baguio General Hospital and Medical Center ng mga rumespondeng tauhan ng Tuba Police Station, Tuba Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at personnel Tuba Bureau of Fire Protection personnel.
Sina Talabis at Luzano ay ginamot sa kanilang minor injuries habang si Ocañada ay idineklarang patay dakong alas-8:50 ng gabi dahil sa severe traumatic brain injury, multiple facial fractures at multiple rib fractures.