Sa 3 pinatay sa hotel sa Tagaytay
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Bumuo na kahapon ang pulisya ng Special Investigation Task Group (SITG) na tinawag na “SITG David Fisk” para tumutok sa imbestigasyon sa pagpaslang sa mag-live in na Australian at isang Pinay na kapwa natagpuan sa loob ng guest room ng Lake Hotel sa Tagaytay, Cavite, noong Miyerkules ng hapon.
Ang Task Group ay pinamumunuan ni Col. Eleuterio Ricardo, Cavite police director bilang commander, kasama ang support units mula sa Criminal Investigation and Detection Group-Cavite, Highway Patrol Group-Cavite, Provincial Intelligence Unit, Anti-Cyber Crime unit, Scene ng Crime Operatives team at lokal na pulisya sa pangunguna ni Lt. Col. Charles Capagcuan, hepe ng Tagaytay City Police.
Ayon kay Ricardo, ang bawat kasapi ng nasabing SITG ay may partikular na tungkulin para sa agarang ikalulutas ng kasong pagpatay sa tatlong biktima.
Layunin ng task group na magsagawa ng masusing imbestigasyon batay sa mga ebidensyang nakalap ng mga probers upang matukoy at maaresto ang mga salarin o suspek, ayon kay Ricardo.
Ani Ricardo, wala pang suspek sa krimen habang iniimbestigahan ng SITG ang lahat ng anggulo o posibleng lead.
Nabatid na mula Australia dumating ang mag-live in sa Pilipinas at sinalubong sila ng kamag-anak ng babaeng Pinay na naging Australian citizen nang dumating ang mag-live in sa NAIA noong Miyerkules.
Ang lalaking Australian na kinilalang si alyas David, 57, ay nagmula sa Sydney, Australia at ang kanyang live-in partner na si alyas Lucita, 55, dating Filipino citizen na naging Australian citizen, at ang isa pang biktima na si alyas Mary, 30, ay agad na tumuloy sa Tagaytay, Cavite matapos silang imbitahan ng pamilya at kamag-anak ni Lucita.
Nagtungo rito sa bansa ang mag-live in na Australian para magbakasyon nang sila ay mapatay at nadamay si Mary, sa loob ng 103 guest room sa Lake Hotel sa Barangay Maharlika West, Tagaytay, Cavite noong Miyerkules pagkatapos ng
tanghalian.Ayon sa pulisya, ang lalaking Australian ay nagtamo ng laslas sa leeg habang ang dalawang babae ay na-“asphyxiate” o na-suffocate dahil sa tinalian ng packaging tape ang kanilang mga bibig at nahirapan nang huminga hanggang sa mamatay.
Ang tatlong biktima ay natuklasan ng hotel attendant na si Allan Manza na kapwa nakahandusay, nakatali ang mga kamay at tinakpan ng packaging tape ang kanilang mga bibig at wala nang buhay.
Lumalabas na naka-check in ang mga biktima para sa dalawang araw o 48 hours na pananatili sa nasabing hotel.