Pangulong Marcos: P183.4 milyong relief handa na sa Central Luzon vs La Niña
MANILA, Philippines — Naghanda na ng P183.4 milyong relief supplies ang pamahalaan para sa papasok na panahon ng tag-ulan o La Niña sa mga taga-Region 3 o Central Luzon.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa pamamahagi ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families sa Senator Edgardo Angara Convention Center sa Baler, Aurora, sinabi ni Pangulong Marcos na natapos na ang konstruksyon ng Aguang River Flood Control Structure Project sa Baler.
Malaking tulong aniya ito upang mapigilan ang matinding pagbaha at malaking pinsala na dulot ng pag-apaw ng Aguang River.
Bukod rito, ginagawa na rin aniya ang pagsemento ng daan na nag-uugnay sa mga taniman ng niyog mula sa bayan ng Dinalungan patungo sa iba’t ibang pamilihan sa lalawigan ng Aurora.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na halos kalahati na rin ang natapos sa pagpapagawa ng Dingalan–Baler Road Project na nagkakahalaga ng mahigit P4 bilyon. Ito ay direktang mag-uugnay sa dalawang tanyag na bayan ng Aurora upang mas mapabilis pa ang daloy ng kalakal, transportasyon, at turismo sa lugar.
Hinahanapan na rin ng solusyon ni Pangulong Marcos ang mga inabandonang proyekto ng APECO na nagkakahalaga ng halos P800 milyon. Patuloy din aniya ang pagbabalangkas sa paggawa ng Baler Airport Development Project.
- Latest