Incident sa Bajo de Masinloc, pumanaw
MANILA, Philippines — Iniulat ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na pumanaw na ang konsehal ng bayan na unang nag-alerto sa kanya tungkol sa kaso ng dalawang mangingisda na nasangkot sa ‘hit-and-run’ incident sa Bajo De Masinloc.
Ibinahagi ni Tolentino ang balita sa isang okasyon sa Dasmariñas City, Cavite, kung saan pinangunahan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, ang pamamahagi ng tulong ng gobyerno para sa libu-libong mangingisda at magsasaka mula sa mga lalawigan ng Cavite at Rizal.
“Medyo malungkot na balita. Konsehal ito ng.. San Marcelino, Zambales, si Councilor Ly Aquino.. ay pumanaw na,” sabi ni Tolentino.
Ang pagpanaw ni Aquino noong Hulyo 10 ay kinumpirma sa isang post sa opisyal na Facebook page ng San Marcelino Public Information Office. Sinabi ng senador na matapos siyang makatanggap ng impormasyon mula kay Aquino, agad siyang nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) para humingi ng tulong upang mahanap at mailigtas ang mga mangingisda, na kinilala ni Aquino na magkapatid na Roberto at Jose Mondeñedo, ng bayan ng Subic.
Nailigtas ng PCG si Roberto, 47, habang nakabitin sa isang ‘payao’ sa loob ng tatlong araw. Ang kanyang kapatid na si Jose, 45, ay nananatiling nawawala habang isinusulat ito. Umapela si Tolentino na isama sa panalangin ang kaligtasan ng tinawag niyang ‘frontliners’ ng bansa sa West Philippine Sea – kabilang ang mga miyembro ng PCG at Philippine Navy, at ang mga mangingisdang nakikipagsapalaran sa karagatan upang maghanapbuhay, sa kabila ng malalaking panganib na kanilang kinakaharap.
Si Tolentino ang pangunahing may-akda at sponsor ng panukalang batas na naglalayong ideklara ang mga karapatan ng bansa sa mga maritime zone nito, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang makasaysayang 2016 Hague arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.