BJMP vehicle tumagilid: Jail officer dedo, 14 sugatan
LABO, Camarines Norte, Philippines — Patay ang isang jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology habang 14 katao ang sugatan kasama ang 10-preso matapos aksidenteng tumagilid ang kanilang sasakyan habang patungo sana sa pagdinig ng korte sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Purok-2, Brgy.Bautista, Labo, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Dead-on-arrival sa Camarines Norte Provincial Hospital sa bayan ng Daet ang biktima na pinangalanan lamang na si “Jail Officer 2 PJ”, kasapi ng BJMP-Labo. Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang sugatang apat na kasamahan niya at sampung mga persons deprived of liberty.
Sa ulat, alas-8:30 ng umaga mabilis na binabagtas ng BJMP-vehicle ang kahabaan ng highway patungong Daet-Regional Trial Court para sa gagawing pagdinig ng mga kaso ng sakay na 10-PDL. Gayunman, pagdating sa lugar ay biglang nag-u turn at tumawid sa highway ang isang tricycle na malayo pa lang ay binubusinahan na ng BJMP-vehicle. Iniwasan ito pero nawalan ng kontrol sa manibela ang driver dahilan para umikot at tumagilid ang sasakyan ng mga jail officers.
Mabilis na rumesponde ang Labo-PNP at MDRRMO ng bayan at isinugod sa pagamutan lahat ng sugatang biktima pero hindi na umabot nang buhay si “Jail Officer 2 PJ”.
- Latest