MANILA, Philippines — Apat na construction worker ang kumpirmadong nasawi habang dalawa ang sugatan nang bumagsak ang kongkretong pader sa isang construction site ng ginagawang bahay matapos ang pagguho ng lupa sa Brgy.Dela Paz, Antipolo City, Rizal,kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Fernando Macalindong Jr., 32;Romulo Perdigon Jr., 37;Edgardo Empleo, 56; at Albert Lopez, 33, pawang mga construction worker ng Framego 101 Corp. na may tanggapan sa Aurora Blvd.,Project 3, Quezon City.Habang ang mga sugatan ay sina Roben James Ibaez, 20;Juan Panza; na dinala sa Quirino Memorial Medical Center Hospital sa Quezon City.
Sa ulat na natanggap ni P/Col. Felipe Maraggun, Rizal police director, alas-3:40 ng hapon ay nililinis ng mga manggagawa ang pundasyon ng retaining wall na hinukay sa kahabaan ng Fairmount subdivision nang ito ay gumuho.
Iniulat lamang ang insidente,bandang alas-8:20 ng gabi at nakuha ang bangkay nina Macalindong at Perdigon makalipas ang isang oras habang magkasunod na narekober sina Lopez at Empleo.
Sinabi ni Maraggun na ang unang dahilan ng insidente ay pagguho ng lupa dahil patuloy na pag-ulan sa lugar. (Doris Franche-Borja,Mer Layson)