MANILA, Philippines — Idineklara na bilang Minor Basilica ang parokya ng St. John the Baptist sa Taytay, Rizal.
Ipinagpasalamat naman ng labis ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang naturang solemn declaration.
Ayon kay Santos, dapat isabuhay at ipalaganap ang pagiging mapagpakumbaba katulad ni San Juan Bautista.
Aniya, ang pagtataas sa Parokya ng San Juan Bautista bilang basilika menor ay maituturing na biyaya at pagpapala mula sa Diyos at dapat lamang na ipalaganap sa higit pang mananampalataya upang patuloy na mag-alab ang debosyon sa pintakasi ng bayan ng Taytay.
Nagsimula ang seremonya sa pamamagitan ng civic reception kung saan sinalubong ng mga opisyal ng Taytay Municipal Government at Rizal Provincial Government si Cardinal Advincula kasama si Bishop Santos at Basilica rector Fr. Pedrito Noel Rabonza III.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco, Antipolo Bishop-Emeritus Francisco de Leon, gayundin si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines vice president, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, iba pang arsobispo at obispo ng Pilipinas, at mga pari ng Diyosesis ng Antipolo at mga karatig na diyosesis.
Ang Taytay Church ang ika-23 Minor Basilica sa Pilipinas at kauna-unahan sa Diyosesis ng Antipolo at lalawigan ng Rizal.