MANILA, Philippines — Bibigyang solusyon ng National Housing Authority (NHA) ang ilang mga problema sa mga programang Pabahay ng ahensiya sa Bulacan.
Personal na nagtungo sa iba’t ibang housing units si NHA Asst. General Manager Alvin Feliciano upang tingnan at suriin ang mga Pabahay na dapat malapatan ng kaukulang solusyon.
Katuwang ni AGM Feliciano si Bulacan District Manager Fatima dela Cruz, inaksyonan ang isyu ng tubig, kuryente, pagkansela ng award at amortization ng mga benepisyaryo sa mga housing project ng NHA sa Pandi, Bulacan na Logia ng Kakarong Resettlement Project, na nasa Brgy. Real De Cacarong; Bulacan-Angat Heights 2 Resettlement Project, Brgy. Cacarong Matanda; Villa Lois AFP/PNP Housing Project, Brgy. Siling Bata; Pandi Heights BJMP/BFP, Brgy. Cacarong Matanda; Padre Pio Resettlement Project, Brgy. Cacarong Bata; Pandi Residences 1, 2 at 3 Resettlement Projects, Brgy. Bagong Barrio at Brgy. Mapulang Lupa; Villa Elise Resettlement Project, Brgy. Masuso; Pandi Village 1 at 2 Resettlement Projects sa Brgy. Siling Bata at Brgy. Mapulang Lupa; Pandi Encamp One, Brgy. Mapulang Lupa; at Pandi Village 2 (Expansion Area) Resettlement Project, Brgy. Mapulang Lupa.
Una nang binisita ni Feliciano ang 10 resettlement sites sa San Jose del Monte particular sa Pleasant View Residences, Graceville Garden Village, Heroes Ville 1, Heroes Ville 3, Towerville Phase 6, Pabahay 2000, San Jose del Monte Heights, St. Joseph Ville, Towerville Phase 1-5 & Rising City at Sapang Palay.
Binigyang diin ni Feliciano na nais matiyak ng ahensiya na magiging maayos ang pamumuhay ng mga benepisyaryo ng Pabahay ng ahensiya tuloy maging produktibong mamamayan sa bawat komunidad na ginagalawan.