19 chief of police at station commanders sa Davao City, sinibak!

MANILA, Philippines — Labingsiyam na hepe ng pulisya at police station commander sa Davao City ang tinanggal sa puwesto na pinalitan ng mga opisyal ng pulisya mula sa ibang lalawigan sa ipinatupad na malawakang rigodon na kauna-unahan sa kasaysayan.

Ito’y halos tatlong linggo matapos namang maluklok sa puwesto ang bagong talagang si Davao Regional Police Director P/Brigadier General Nicolas Torre. Kabilang sa 19 opisyal na nahagip sa balasahan ay ang acting chief of police ng Davao City.

Samantala, itinalaga ni Torre si Col. Lito Patay bilang bagong Davao City Police Director na humalili kay Acting Davao City Police Chief Rolindo Soguilon .

Ayon kay Major Catherine dela Rey, PNP Davao Regional Spokesperson, ang malawakang reshuffle ay bahagi ng responsibilidad at kautusan ng bagong talagang Police Director sa rehiyon.

“Nineteen commanders or officers in charge of the 19 police stations of the Davao City Police office,” ani dela Rey na sinabing epektibo ang reshuffle nitong Hulyo 8.

Ang mga tinanggal na opisyal ay pinalitan naman ng iba pang mga offi­cers mula sa Police Provincial Offices at Regional Headquarters.

Si Torre ay itinalaga bilang director ng Davao Regional Police Office noong Hunyo na pinalitan sa puwesto si P/Brig. Gen. Aligre Martinez at kasunod nito ay tinanggal sa puwesto ang mahigit isang dosenang Davao City-based personnel kabilang ang pitong Station Commanders.

Hindi naman maipaliwanag ni Dela Rey ang dahilan ng pagbalasa sa pagsasabing tungkulin ito ng bagong Regional Director.

Show comments