MANILA, Philippines — Nagdeploy na ng inisyal na contingent ang Philippine Air Force (PAF) para magpartisipa sa gaganaping “Pitch Black “ exercises na iniho-host ng Royal Australian Air Force (RAAF) na itinakda mula Hulyo 12 hanggang Agosto 2 sa Darwin City, Australia.
Sinabi ni PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, na ang advance party na mga contingent ay may mga dalang kagamitan at operational cargo na dumating na noong linggo sa Australia .
“The PAF contingent was ferried from the Philippines to Darwin via the RAAF KC-30 aircraft. The crucial equipment and operational cargo were transported by the RAAF C-130 and PAF C-295 aircraft, ensuring the seamless arrival of all necessary assets for the exercise,” ayon kay Castillo.
Samantala ang main contingent ay tutulak naman sa Darwin sa susunod na mga araw bago ang pagsisimula ng exercise.
Ang Pitch Black 2024 ay isang pangunahing international military exercise ng Australia na itinuturing na large-scale, multinational large force employment. Sa taong ito ay nasa 20 bansa ang lalahok kabilang ang Pilipinas.
Sa gaganaping tatlong linggong exercise ay magsasagawa ng tactical flying at large-scale operational para sa kolektibong aktibidad sa pagsasanay.
Tampok sa taong ito ang partisipasyon ng PAF FA-50 fighter jets na kalahok sa exercise.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lalahok ang PAF at magdedeploy ng mga dagdag na assets para lumahok sa internasyonal na pagsasanay sa labas ng bansa na isang pambihirang karanasan para sa PAF.