MANILA, Philippines — Niyanig ng 5.0 magnitude na lindol ang Northern Samar kahapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa report ng Phivolcs, alas-12:01 ng madaling araw nang maramdaman ng mga residente ang lindol sa nasabing lalawigan. Ang epicenter ng lindol ay nasa 10 kilometro sa hilagang kanluran ng Lope de Vega, Northern Samar.
Ipinahayag ng Phivolcs na ang lindol ay tectonic ang pinagmulan na ang paggalaw ng lupa ay sanhi ng isang aktibong fault na malapit sa lugar.
Ang lindol ay nasa 5.4 magnitude kung saan ang pagyanig na naramdaman ay katamtaman ang lakas hanggang sa lumakas.
Naiatala ang Intensity IV sa mga bayan ng Lope de Vega, Catarman, Bobon, Mondragon, Palapag, San Roque, Pambujan, San Jose, Rosario, Lavezares, San Isidro, Victoria, Silvino Lobos at Catubig; pawang sa Northern Samar gayundin sa Calbayog City at Santa Margarita sa Samar.
Samantala, Intensity III ang naiulat sa mga bayan ng Allen, Laoang, Mapanas, Gamay, Lapinig at Capul sa Northern Samar; Arteche, San Policarpo, Dolores, Oras, Can-avid, Taft, San Julian at Sula sa Eastern Samar.
Nasa Intensity II ang nairekord mula sa mga bayan ng Gandara, Tarangnan, San Jorge, Motiong, Paranas, Pinabacdao, Calbiga at Villareal sa Samar.
Intensity II rin sa Santa Rita at Basey, Samar; Borongan City, Maydolong, Llorente at Hernani sa Eastern Samar gayundin sa Tacloban City, Babatngon at San Miguel sa lalawigan naman ng Leyte.