Geothermal plant sa Albay, binuksan

MANITO, Albay, Philippines — Pormal nang binuksan sa lalawigang ito ang 28.9-megawatt-hour Palayan Binary Geothermal Power Plant na nagkakahalaga ng P7-bilyong proyekto sa ginawang “unveiling of marker and inauguration” at “ceremonial switch-on” nitong Biyernes sa Brgy. Nagotgot, bayan ng Manito.

Pinangunahan ang programa ng matataas na opisyales ng Energy Development Corporation gaya nina EDC president and chief operating officer Jerome Cainglet, vice-president and chief executive officer Francis Giles Puno at Marvin Kenneth Bailon, president and chief operating officer.

Bisita rin si Department of Energy Assistant Secretary Mylene Capungcol at mga opisyal at kinatawan ng bayan at lalawigan sa ginanap na inagurasyon.

Simula umano noong Enero ay kumonekta na sa Luzon Grid ang Palayan Binary Geothermal Power Plant na bahagi ng Bacman Geothermal Power Plant (BGPP) na magbibigay ng karagdagang 253,000 megawatt-hour gross annual power gene­ration o 219,000 megawatt-hour annual generation.

Dahil umano sa 24/7 na operasyon ng bagong planta bilang renewable energy ay mababawasan ng tinatayang 72,200 tone­ladang carbon emission bawat taon ang bansa.

Sa ipinadala namang video message ni Energy Secretary Raphael Lotilla, pinuri nito ang EDC mana­gement dahil sa patuloy na pagsusulong ng rene­wable energy sa bansa. Target umano ng gobyerno ang 25 porsyentong renewable energy sa taong 2030 at 50 porsyento sa 2040.

Show comments