‘STAND UP Quezon’ political party inilunsad

Sina Quezon Gov. Helen Tan, pangulo ng bagong “STAND UP Quezon” political party, dating Senate President Tito Sotto, chairman ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at iba pang opisyal matapos lumagda sa kanilang al- yansa.

GUMACA, Quezon, Philippines — Inilunsad ni Quezon Gover­nor Doktora Helen Tan ang “ STAND UP Quezon” bilang bagong local political party na nilahukan ng mayorya ng mga nakaupong mga lokal na opisyales sa lalawigan.

May kabuuang 226 mula sa 430 na nakaupong halal na opisyal mula konsehal ng bayan hanggang sa pinakamataas na puwesto sa lalawigan ang nanumpa ng katapatan bilang mga kasapi ng bagong partido.

Isusulong ng Solidarity for Transformation, Advancement and Nationalism towards a Dynamic, United and Progressive Quezon Province o “STAND UP Quezon” ang malawakang pagkilos upang labanan ang matinding kahirapan na nararanasan ng mara­ming mamamayan sa lalawigan.

“Malinaw ang ating layunin. Tayo ay naririto dahil nakahanda tayong tumayo para sa kagalingan ng ating mga kalalawigan. Ang panawagan natin, STAND UP Quezon para sa pagkakaisa. STAND UP Quezon para sa tagumpay. STAND UP Quezon laban sa kahirapan”, pahayag ni Gob. Tan na tumatayong pangulo ng partido.

Binigyang diin ng gobernadora na higit sa pulitika at darating na eleksyon ay isusulong ng STAND UP Quezon ang kanyang HEALING Agenda na maghahatid ng mga programa at proyekto para sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, kabuhayan, imprastruktura, kalikasan at turismo, at mabuting pamamahala.

Dumalo sa inagurasyon ng STAND Up Quezon sina Cong. Mark Enverga ng 1st District, Cong. Reynan Arrogancia ng 3rd District, at Cong. Atorni Mike Tan ng 4th District na tumatayo rin bilang Assistant Majority Leader ng Kongreso.

Agad na nakipag-alyansa ang Nationalist People’s Coalition (NPC) sa STAND UP Quezon sa pangu­nguna ng chairman ng NPC na si ex-Senate President Tito Sotto na nagsilbi rin bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa makasaysayang pagtitipon.

Pumaloob din bilang kaalyado ang 4K o Kababaihan KabalikaTAN Para sa Kapakanan at Kaunlaran ng Bayan na isa nang bagong party-list organization sa buong CALABARZON.

Show comments